Sa kani-kanilang Instagram ay nag-post ang dalawa ng kanilang video kung saan mapapanood na nag-uusap sina “Boyet” at “Elai” na pawang may kapansanan.
Ayon kay Ken, karangalan na ikwento ang buhay ng isang may autism. Ang kailangan anya ng mga ito ay pagmamahal.
Inihayag din ni Ken ang paghanga nito kay Arjo.
Sa kanya namang post ay sinabi ni Arjo na na-miss nila ni Ken ang kanilang mga karakter.
Hindi rin itinago ni Arjo ang respeto nito kay Ken.
Pero ang naturang video ay hindi ikinatuwa ng isang grupo ng mga taong may anak na may autism.
Ayon sa Autism Society of the Philippines, nakakalungkot na kailangan nilang ipaliwanag na ang naturang caricatures o pagsasalarawan sa labas ng pag-arte sa show ang nagiging dahilan ng nararanasang bullying ng mga batang may autism.
Tinanong ng grupo ang dalawang aktor kung nakakatuwa ba na gayahin sa social media kung gumanap sila na may cerebral palsy o bulag.
Una nang pinuri ng grupo ang magandang pagganap ni Arjo sa karakter nitong si Elai sa isang teleserye pero anila ang paggaya sa mga batang may autism para sa umanoy “social media fun” ay kailangan nang matigil.
Wala namang agarang reaksyon sina Ken at Arjo sa pahayag ng Autism Society of the Philippines.