Pangulong Duterte ipinag-utos na huwag nang tumanggap ng loans at grants mula sa mga bansang sumuporta sa Iceland resolution

Nilinaw ng Palasyo ng Malakanyang na may inilabas na confidential memorandum si Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aatas na huwag nang tumanggap ng anumang financial assistance mula sa labing walong bansa na nag apruba sa resolusyon ng Iceland na paimbestigahan sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang anti-drug war campaign sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, inilabas ang memo sa pamamagitan ni Executive secretary Salvador Medialdea.

Paliwanag pa ni Panelo, nakalimutan lamang ni Pangulong Duterte na mayroong siyang iniutos na memo.

Sinabi pa ni Panelo na nang ulitin niya ang tanong, naalala bigla ni Pangulong Duterte na tinawagan pala niya si Medialdea noong kasagsagan ng isyu sa Iceland.

Nanindigan naman si Sec. Panelo na hindi kawalan para sa bansa ang mga loans at grants na ito.

Ayon aniya kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, nasa 21 million Euros lang ang halaga ng mga ito na maaari naman makuha rin ng Pilipinas mula sa ibang partner countries.

Karamihan naman aniya ng dapat sanang grants at loans ay para sa technical assistance, at hindi naman aniya nito apektado ng infrastructure projects ng gobyerno.

Kabilang sa mga sumuporta sa resolusyon ng Iceland ang Argentina, Austria, Australia, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Iceland, Italy, Peru, Mexico, Slovakia, Spain, Ukraine at iba pa.

Read more...