NCRPO paiigtingin ang intel ops laban sa ninja-cops

Palalakasin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang intelligence operations nito laban sa mga ‘ninja cops’ na isinasangkot sa drug recycling.

Sa pahayag araw ng Linggo, sinabi ni NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na posibleng iilan lang naman ang pulis na sangkot sa iligal na gawain.

Gayunman, nais ni Eleazar na masukol na ang mga scalawags dahil pinasasama ng mga ito ang imahe ng Philippine National Police (PNP).

Para masawata ang ninja cops, pupulungin ni Eleazar ang commanders ng lahat ng anti-illegal drug enforcement units sa Metro Manila, bukas, araw ng Martes.

Ididiga ni Eleazar ang one-strike policy para tiyakin ang zero-tolerance laban sa mga pulis na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Batay umano sa bagong polisiya, ang head ng drug enforcement unit ay agad na sisibakin sa pwesto kung isa sa kanyang mga tauhan ay nahuling sangkot sa paggamit o pagbebenta ng bawal na gamot.

Ayon pa kay Eleazar, maging ang station commander ay sisibakin.

Kung ang pinuno naman ng isang district drug enforcement unit ay may tauhan ding sangkot sa iligal na droga, ang district director ay agad ding tatanggalin sa pwesto ayon kay Eleazar.

Naniniwala si Eleazar na ang bagong polisiya ay makatutulong para umayos ang liderato ng heads ng drug enforcement units sa Metro Manila at maituro sa knilang mga tauhan kung ano ang tama.

“I believe this will force all the commanders of drug enforcement units in Metro Manila to behave and at the same time, compel their men to do what is right, to be clean at all times,” ani Eleazar.

Ang isyu ng drug recycling ng ilang mga pulis ay una nang isiniwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino at kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Read more...