Tubig malapit sa tubo na naglalabas ng dumi sa beach sa Aklan, positibo sa coliform bacteria

Photo courtesy of Charn Joon Park / Boracay Wilson

Nagpositibo sa coliform bacteria ang tubig malapit sa tubo na naglalabas ng dumi sa Bulabog Beach sa Boracay, Aklan matapos ang pagsusuri na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Magugunitang nag-viral sa social media ang video ni Charn Joon Park, isang scuba instructor kung saan makikita ang isang sea turtle na ipinapasok ang kanyang ulo sa underwater pipe.

Naglalabas ang naturang tubo ng kulay dilaw na dumi.

Batay sa laboratory analysis sa tubig malapit sa tubo, umabot ang fecal coliform level sa 3,500 most probable number per 100 milliliters (MPN/100 ml) kung saan ang safe level ay dapat 200 MPN/100 ml lang.

Tumaas din ang phosphate content ng tubig sa 2.250 milligram per liter level (mg/L) kung saan ang standard ay 1 mg/L lang.

Nalaman na ng DENR kung kanino ang nasabing tubo at ipinag-utos agad ang cease and desist order.

Ayon sa kagawaran, ang tubo ay pagmamay-ari ng Boracay Tubi Systems Inc., isang water utility company sa Boracay.

Sinabi ni DENR Sec. Roy Cimatu na una pa lang ay nilinaw niya nang walang kahit sino ang nakatataas sa batas at lahat ng environmental laws ay dapat istriktong maipatupad.

Tiniyak ni Cimatu ang kaukulang aksyon laban sa kumpanyang lumabag sa batas.

Magugunitang naisara ang Boracay sa loob ng anim na buwan noong 2018 para isailalim sa rehabilitasyon.

Read more...