Eighty-two percent ng mga Filipino ang nagsabing sila ay satisfied o nasisiyahan sa drug war, 12 percent ang dissatisfied o hindi nasisiyahan at six percent ang undecided o hindi tiyak.
Dahil dito, ang June 2019 net satisfaction rating ng mga Filipino sa giyera kontra droga ay pumalo sa +70, kapareho ng naitala noong March 2019 at nasa klasipikasyong excellent.
Karamihan sa respondents ay nagsabing nasisiyahan sila sa drug war dahil nabawasan ang bilang ng mga drug suspek.
Ang iba naman ay nagsabing satisfied sila sa kampanya kontra droga dahil maraming suspek ang naaresto; nabawasan ang mga krimen; nabawasan din ang kalakalan ng droga at gumanda ang peace and order situation sa bansa.
Para sa nagsabing hindi sila nasisiyahan sa drug war, idinahilan naman ang patuloy na malaking bilang ng mga drug suspects at drug trade; kabi-kabilang patayan; pag-abuso sa kapangyarihan at malaking bilang ng mga maling suspek na naaresto.
Samantala, pumalo naman sa +76 o excellent ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga Filipino na sang-ayon sa drug war.
Isinagawa ang June 2019 Social Weather Survey noong June 22 hanggang 26 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 adults sa buong bansa.