Alinsunod sa circular ng Civil Service Commission, hinikayat ang mga ahensya ng gobyerno sa pambansa at lokal na lebel, government-owned or controlled corporations at state college and universities na suspendihin ang trabaho eksakto alas-2:00 ng hapon.
Inirekomenda ito ng National Committee on the Filipino Family (NCFF) upang maigugol ng mga empleyado ang oras sa salu-salo kasama ang kanilang mga pamilya.
Dahil dito, inanunsyo ni Acting Chief Justice Antonio Carpio na ang trabaho sa lahat ng korte sa buong bansa ay hanggang alas-2:00 lang ng hapon.
Sa Mandaluyong city, ang klase sa lahat ng pampublikong paaralan ay hanggang alas-2:00 lang din.
Sa Navotas naman, suspendido na ang trabaho at klase ng alas-2:00 ng hapon.
Habang sa Pasig City ay wala nang pang-hapon na klase at suspendido na rin ang trabaho ng government employees ng alas-2:00 ng hapon.
Ang tema ng 27th National Family Week Celebration ngayong taon ay ‘Tungo sa Maginhawa, Matatag at panatag na Pamilyang Pilipino’.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagdiriwang.
Layon ng selebrasyon na mapalakas ang pagkakaisa at relasyon ng pamilyang Filipino sa pamamagitan ng pagtaguyod sa Filipino values.