2 timbog sa buy-bust operation sa Dumaguete City

Arestado ang dalawang katao sa ikinasang buy-bust operation sa Dumaguete City, Negros Oriental araw ng Biyernes (September 20).

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 7- Central Visayas, isinagawa ang operasyon sa bahagi ng Purok Matinabangon sa Barangay Bagacay bandang 5:05 ng hapon.

Nahuli ang mga suspek na sina Jeymarie Jayme alyas “Jai-jai.” miyembro ng isang drug group, at si Mecel Maxilom alyas “Nice.”

Nakuha sa dalawa ang walong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na mahigit-kumulang 10 gramo.

Nagkakahalaga ang nakumpiskang ilegal na droga ng P68,000.

Maliban dito, narekober din sa mga suspek ang ginamit na buy-bust money sa operasyon at isang cell phone.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...