Puganteng Chinese, nakatakdang ipa-deport ng BI

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Chinese national na wanted sa kasong may kaugnayan sa investment scam at economic crimes.

Nahuli ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit ng BI ang Chinese na si Qian Bingxu, 37-anyos, sa isang five-star hotel sa Pasay City noong September 16.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nakatakdang ipa-deport si Qian hindi lamang dahil sa pagiging pugante nito kundi dahil isa na rin itong undocumented alien matapos kanselahin ng Chinese government ang pasaporte nito.

Simula pa aniya November 2018 nang magtago si Qian sa Pilipinas.

Wala rin aniyang lumabas na record na nag-apply si Qian para mapahaba ang kaniyang pananatili sa bansa bilang turista.

Ayon sa Chinese embassy, inilabas ang warrant of arrest laban kay Qian ng public security bureau sa Liaoyuan sa China dahil sa ilegal na pagtanggap ng deposits mula sa 1,100 na katao kapalit umano ng mataas na balik ng kanilang investment.

Ayon naman kay Bobby Raquepo, hepe ng BI-FSU, posibleng masentensiyahan ng 10 taong pagkakakulong si Qian sakaling mahatulang guilty sa kaso.

Aniya pa, magiging blacklisted na si Qian at hindi na maaaring makapasok ng Pilipinas matapos ipa-deport.

Read more...