4 patay sa magkahiwalay na drug operations sa Bulacan

Nagsagawa ang pulisya sa Bulacan ng magkakahiwalay na anti-drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng apat na suspects at pagka-aresto sa 23 iba pa araw ng Sabado.

Kinilala ang mga nasawing suspects na sina John Frederick Mallo, Eugenio Lopez alyas Enyong, isang alyas Van at isang alyas Jay.

Ayon kay Bulacan Provincial Office director Police Col. Chito Bersaluna, napatay si Mallo sa San Jose Del Monte matapos umanong magpaputok sa mga otoridad sa buy bust operation sa Sitio Paculis, Barangay Gaya-gaya.

Narekober kung saan napatay si Mallo ang baril na ginamit nito, siyam na sachet ng shabu, at P500 marked money.

Napatay naman ng mga pulis sa Barangay San Rafael I sa parehong bayan ang suspect na si Lopez at ang mga kasama nitong sina Van at Jay.

Natunugan ng tatlo na pulis ang kanilang katransaksyon kaya nanlaban ang mga ito at nauwi sa shootout ang operasyon.

Nakuha sa crime scene ang ilang baril, mga bala, 20 sachet ng shabu, dalawang aluminum foil strips, improvised tooter at P500 na ginamit sa operasyon.

Samantala, 23 pang suspects ang naaresto sa hiwalay na operasyon sa iba pang bayan sa lalawigan.

 

Read more...