Palasyo: Pang. Duterte masaya sa trabaho ni Puyat

Nananatili ang tiwala at kumpyansa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, masaya pa rin ang pangulo sa trabaho ni Puyat sa gitna ng reklamo sa kanya ni presidential son at Deputy Speaker Paolo Duterte.

Ang pahayag ng Malakanyang ay kasunod ng puna ng nakababatang Duterte sa “character and management style” ni Puyat.

“‘Yung full trust and confidence ni Pangulo kay Sec. Berna obviously continues. Alam naman natin na maganda naman ‘yung mga ginagawa ni Sec. Berna as far as tourism is concerned,” ani Nograles.

Wala umanong alam si Nograles na anumang reklamo laban kay Puyat na nakarating sa pangulo.

Dagdag ng kalihim, sa mga Cabinet meetings ay puro puri ang pangulo sa trabaho ni Puyat.

Una rito ay nakatanggap umano si Duterte ng reklamo laban sa kalihim dahil sa pag-apruba nito sa mga kontrata at proyekto sa Department of Tourism (DOT).

 

Read more...