50% pamilyang Pinoy, nagsabing sila ay mahirap

 

Inquirer file photo

Wala pa ring nakikitang pagbabago sa bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang mga sarili na mahihirap.

Base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) sa fourth quarter ng 2015, 50 percent ng mga pamilyang Pilipino ay nagsasabing sila ay mahirap, at 50% din naman ang nagsabing hindi.

Sa survey na ito, ang katumbas ng 50 percent na iyon ay 11.2 milyong pamilya.

Isinagawa ang survey noong December 5 hanggang 8, 2015 sa 1,200 respondents sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng tatlong cards.

Sa tatlong cards, nakalagay ang hindi mahirap, sa linya (o nasa gitna lang), at mahirap.

Iyon ang mga pinagpilian ng mga respondents ng tinanong sila kung saan nila iku-konsiderang kabilang ang kanilang pamilya.

Lumalabas din sa survey na 33 percent na lamang ang itinuturing ang kanilang sarili na food poor na mababa naman ng dalawang porsyento kumpara noong 2014.

Pareho lamang ang resulta na ito sa naitala noong third quarter, at hindi rin masyadong nalalayo sa pinakamababang naitala noong June 2013 na 49 percent.

Pero, sinabi ng SWS na ang 50 percent ay ang pinakamababang naitalang taunang average ng self-rated poverty simula sa 49 percent noong 2011.

Noong 2014 naman, 54 percent ang naitalang yearly average.

Samantala, dahil dito, umaasa naman ang Malacanang na mas pipiliin ng sambayanang Pilipino ang pagpapatuloy ng progreso na tinatamo ngayon sa ilalim ng Aquino administration.

Ayon pa lay presidential spokesman Edwin Lacierda, malinaw na nasa daan ng pag unlad ang bansa habang papalapit sa eleksyon.

Umaasa sila na mas pipiliin ng taong bayan na bumoto para sa mabuting kinabukasan at manatili sa tuwid na daan.

Dagdag pa ni Lacierda, dahil sa nasabing resulta, mas pagbubutihan nila ang paggamit sa pondo ng gobyerno para mas maramdaman ng bayan ang pag unlad ng ekonomiya.

Read more...