Binabalak na ng Twitter na dagdagan ang 140-character limit nito sa mga tweets ng hanggang sa 10,000 characters na.
Ayon sa technology news website na Re/code, maaring ilabas na ng Twitter ang solusyon sa laging problema ng mga Twitter users na maikling limitasyon sa dami ng characters na maaring gamitin sa kada tweet.
Sakaling matuloy, matutulad na ito sa kapasidad ng Direct Message.
Tine-test na umano ng kumpanya ang isang version na nagdi-display lang ng 140 characters sa tweet, pero kapag pinindot ng nagbabasa ang mismong tweet, mag-eexpand ito para makita ang kabuuan ng post.
Gayunman, hindi naman ito kinukumpirma pa ni Twitter chief executive Jack Dorsey, pero sinabing bukas sila sa ganoong klase ng pagbabago para mas makapagbigay ng “utility and power” sa Twitter.
Ani Dorsey, hangga’t maibibigay pa rin nila sa tao ang serbisyong makakatulong sa mga gusto nilang gawin, wala silang magiging problema dito.
Samantala, hindi naman lahat ng users ay natuwa sa nasabing balita dahil may ilan sa kanila namas gusto pa rin ang kasalukuyang format ng Twitter.