Pagkakaroon ng minimum IQ level ipinasasama ni Pangulong Duterte sa requirements sa pagkuha ng driver’s license; mandatory drug test ipinababalik

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng mas mahigpit na requirements sa pag-isyu ng driver’s license at sa pagbiyahe ng mga pampulikong sasakyan.

Ito ay matapos ang aksidenteng kinasangkutan ng isang truck sa South Cotabato kung saan 21 ang nasawi.

Noong Miyerkules, Sept. 18 pinulong ng pangulo sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Senator Bong Go, LTO Chief Asec. Edgar Galvante, LTFRB Chairman Martin Delgra III, DOTr Usec. for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Sa nasabing pulong nagbigay ng utos ang pangulo sa mga opisyal na paigtingin ng roadworthiness checks, mas higpitan pa ang licensing requirements, magkaroon ng periodic drug testing, at alamin ang financial capability ng mga operator ng PUVs.

Kabilang sa utos ng pangulo ang pagbabalik ng mandatory drug tests sa mga driver at dapat isama ang pagkakaroon ng minimum IQ level bago mapayagang magmaneho.

Iniutos di ng pangulo ang agad na pagsasagawa ng inspeksyon sa mga PUVs at pagkakaroon ng regular na inspeksyon sa PUV terminals.

Ayon sa DOTr, nais din ng pangulo ang agadrang pagpapatupad ng PUV Modernization Program (PUVMP).

Dapat din ayon sa pangulo na ipagbawal ang paggamit ng mga pribadong sasakyan ng lagpas sa kanilang legitimate purpose at ang pag-iinvest ng PUV operators sa road safety equipment.

Sa PNP naman, iniutos ng pangulo ang pagsusulong ng kasong kriminal sa mga driver na nasasangkot sa mga aksidente sa lansangan.

Ayon sa DOTr, may ipalalabas na Executive Order kung saan ilalatag ang nasabing mga direktiba ng pangulo.

Read more...