Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa kaso ng pagkamatay ng Philippine Military Academy (PMA) cadet na si Darwin Dormitorio.
Isinugod sa ospital ang 20-anyos na si Dormitorio matapos magsuka at idaing ang pananakit ng tiyan.
Pero higit isang oras lang matapos isugod sa ospital ay binawian ito ng buhay bunsod ng “cardiac arrest secondary to internal hemorrhage.”
Ayon sa PMA, ipinag-utos na ng Commandant of Cadets (COC) ang restrictive confinement ng upperclass at 4th class squadmates ni Dormitorio upang bigyang-daan ang parallel probe ng PNP at NBI.
Ang Room 209 ng Mayo Hall kung saan natagpuang walang malay si Dormitorio ay kinordonan at idineklara na ring off limits at itinuturing nang crime scene.
Samantala, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na kung hazing man ang dahilan ng pagkamatay ni Dormitorio ay hindi na natuto ang mga responsable rito.
“They never learn. Hazing is as old a practice as far as we can remember. Many upperclass cadets in the past were either dismissed. Some had served time in a military stockade, even charged before a court martial and lost their opportunities in life,” ani Lacson.
Ang ama ng biktima ay underclassmen ni Lacson sa PMA.
“It is too late for them… they will have to face the consequence of their indiscretions. While we sympathize with the family of the victim… we pity those probably out of misplaced enthusiasm are facing possible court martial proceedings on account of this yet another unfortunate incident,” dagdag ni Lacson.
Nakatakdang i-cremate ang mga labi ni Dormitorio ngayong araw at ang abo ay dadalhin sa kanyang hometown sa Cagayan de Oro City.