WHO, UNICEF: Mga magulang dapat pabakunahan ang mga anak kontra polio

Nagpaalala ang World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) sa mga magulang sa kahalagahan ng bakuna matapos ang kumpirmasyon ng pagbabalik ng sakit na polio sa Pilipinas.

Sa isang joint-statement araw ng Huwebes, sinabi ng WHO at UNICEF na ang bakuna ang pinakamabisang proteksyon ng mga bata laban sa polio.

Dahil dito, hinikayat ni WHO Philippines representatives Rabindra Abeyasinghe ang mga magulang ng mga batang edad 5 pababa na pabakunahan ang kanilang mga anak.

“We urge all parents and caregivers of children under 5 years of age to have them vaccinated so that they are protected against polio for life,” ani Abeyasinghe.

Ayon naman kay UNICEF Philippines representative Oyun Dendevnoro, ang outbreak ng polio ay nangangailangan ng mabilisang aksyon para protektahan ang mga bata laban sa sakit.

Paalala anya ito na mahalagang maitaas ang immunization coverage ng hanggang 95% para mapigilan ang polio virus transmission sa Pilipinas.

“The outbreak calls for urgent action to protect more children from being infected. It reminds us of the importance of increasing immunization coverage to 95% of children to stop polio virus transmission in the Philippines,” ani Dendevnoro.

Hanggang may isa umanong bata na may polio, ang mga bata sa bansa ay nanganganib dahil sa sakit.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na may naitalang kaso ng polio sa Lanao del Sur at nakita ang polio virus sa samples mula sa mga kanal sa Maynila at Davao.

Tiniyak ng WHO at UNICEF na nakikipag-ugnayan ito sa DOH para sa pagtugon sa polio epidemic.

Huling nagkaroon ng kaso ng polio sa bansa taong 2000.

 

Read more...