Sinalakay ng pulisya ang isang apartment sa Brgy. Batis, San Juan, araw ng Huwebes, makaraang madiskubre ang isang ‘indoor marijuana laboratory’.
Kasama mismo sa operasyon sina San Juan Mayor Francis Zamora at NCRPO Chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Ayon kay San Juan Police chief Pol. Col. Jaime Santos, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang tenant tungkol sa mga tanim na marijuana sa rooftop ng apartment.
Kumuha ng pictures ng mga tanim na marijuana ang nasabing tenant.
Nag-ugat ang suspetsa ng mga kapitbahay na may iligal na gawain dahil sa dami ng fertilizers na iniaakyat na nilusob na unit.
Walang naabutang occupant ngunit sinabi ni Eleazar na sasampahan ng mga kaso ang suspek na batay sa kanilang impormasyon ay isang Chinese.
Hindi anya unang beses na may nadiskubreng indoor cultivated marijuana plantation.
Madalas na ginagawa umano ito sa urban areas dahil sa loob ng mga bahay ay nagagawan ng paraang maitanim ang mga marijuana basta’t mamintena ang tamang temperatura.
Ilan sa mga tanim na nakita sa apartment sa San Juan ay aabot sa tatlong talampakan ang taas.
May mga pakete rin ng mga dahon ng marijuana na ayon sa pulisya ay nakatakda nang ibenta.