Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan makaraang makuhanan ng mga kahina-hinalang travel document.
Ayon kay Grifton Medina, acting chief ng BI Port Operations Division, nahuli ang mga dayuhan sa magkakahiwalay na petsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 2 at 3.
Nakilala ang dalawang Chinese nationals sina Sonny Tamayo Liang at Wang Lei, at isang African national na si Mohamed Keita.
Unang nahuli si Liang pagkarating ng Pilipinas mula sa Bangkok, Thailand sa NAIA Terminal 2 noong September 5.
Nagprisinta ng pasaporte ang dayuhan ngunit lumabas sa Interpol database ng ahensiya na ito ay nakaw at nawalang travel document.
Samantala, noong September 10, naaresto naman si Lei matapos magtangkang umalis ng bansa patungong Vancouver gamit ang pekeng Canandian visa.
Nahuli naman ang isa pang dayuhan na si Keita na may bogus na Mali passport pagkadating sa NAIA Terminal 3 mula sa biyahe nito sa Doha, Qatar.
Ani Medina, dinala na ang mga dayuhan sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa para isailalim sa deportation proceedings.