Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na nararapat lang na matuldukan na ang mga iskandalo sa mga kulungan dahil sa pera ng taumbayan ang ginagasta.
Ayon kay Recto sa bawat detenido ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), gumagasta ng pera mula sa buwis ng higit P101,000 kada taon at higit P91,000 naman sa bawat preso ng Bureau of Corrections.
Ang mga halaga ay higit at halos apat na beses na mas mataas sa higit P23,000 ginagastos ng gobyerno para sa
pag aaral ng isang bata sa pampublikong paaralan.
Aniya ang P70 ang budget para sa pagkain ng isang nakakulong bagamat maituturing na napakababa ay lubhang mataas naman ito sa P18 per meal na halaga ng pagkain para sa 3.7 milyong bata na nakikinabang sa feeding programs ng DepEd at DSWD.
Banggit pa ni Recto ang P15 daily medicine allowance ng mga bilanggo ay dalawang beses na mas mataas sa ginagastos ng gobyerno para sa mga programang pangkalusugan.
Kaya’t ayon pa rin sa senador nararapat lang na ayusin na ang mga polisiya para sa mga bilanggo at ito ay maaring magsimula kung mapapabilis ang pag-usad ng gulong ng hustisya.
Pagdidiin ni Recto isang paraan para mapaluwag din ang mga kulungan ay ang pagdagdag ng mga government prosecutors at PAO lawyers at pagpuno sa daan-daang bakanteng posisyon sa mga mabababang korte at pag-modernisa sa kanilang mga pasilidad.