QC nagbigay ng tulong pinansyal sa hog raisers

Screengrab of QC Government video

Nagbigay ng tulong pinansyal ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga magbabababoy na naapektuhan ng culling operations sa gitna ng pangamba sa African Swine Fever (ASF).

Mismong si Mayor Joy Belmonte ang nagbigay ng cash assistance sa hog raisers sa Barangay Bagong Silangan kung saan namatay ang ilang mga baboy.

Bawat hog raiser ay binigyan ng P3,000 sa kada isang baboy o biik na kinatay.

Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ni Belmonte na bibigyan din ng local government ng kabuhayan at scholarships ang mga apektadong pamilya.

Ipinag-utos ni Belmonte ang ‘culling’ sa 176 baboy sa Barangay Bagong Silangan mula noong Linggo matapos makumpirmang positibo sa ASF ang blood samples mula rito.

Kinailangan anyang ipag-utos ang culling para hindi na kumalat pa ang virus sa ibang baranggay.

Nagkolekta na rin ng karagdagang blood sample sa loob ng 1-kilometer radius mula sa Bagong Silangan at isinumite sa Bureau of Animal Industry (BAI) para masuri.

Umapela si Belmonte sa mga baranggay officials na makiisa at agad na ipagbigay-alam sa local government ang presensya ng backyard piggeries sa lungsod.

Hinimok naman ni City veterinarian Ana Marie Cabe ang hog raisers na iulat ang kaso ng mga may sakit na baboy.

Read more...