Sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.1 trillion na pambansang pondo para sa 2020.
Sa kanyang sulat sa mga lider ng Kongreso noong September 17, nanawagan ang pangulo na agad ipasa ang panukalang national budget sa susunod na taon.
Ito anya ay para sa patuloy na operasyon ng gobyerno at paglalaan ng pondo para sa iba’t-bang programa.
Nakasaad din sa sulat ni Duterte sa Kongreso na kailangang matiyak na may sapat na pondo para sa epektibong pagganap ng pamahaalan sa mandato nito.
Sinabi rin ng pangulo sa kanyang budget message na layon ng “spending plan” ng gobyerno sa 2020 na pakinabangan ang paggasta sa mga proyekto sa nakalipas na mga taon ng administrasyon.
Kapag sinertipikahang ‘urgent’ ang isang panukala, pwede na itong ipasa sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa ng dalawang kapulungan sa loob lamang ng isang araw.
Magugunitang nabalam ang pagpasa sa 2019 national budget dahil sa isyu ng mga kwestyonableng budget allocations at pork insertions.
Ang 2020 national budget ay 11.8 percent na mas mataas kumpara sa P3.66 trilyong pisong budget ngayong 2019.