Bagyong Nimfa napanatili ang lakas at halos hindi kumikilos; lalakas pa at magiging isang tropical storm

Napanatili ng Tropical Depression Nimfa ang lakas nito habang halos hindi kumikilos sa ibabaw ng Philippine Sea.

Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 670 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.

Posibleng maging Tropical Storm ang bagyo sa loob ng 24 oras at lalabas ito ng PAR araw ng Sabado.

Samantala, isa pang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA at nasa bisinidad na ng San Jose, Tarlac.

Inaasahang tatawid ng Central Luzon ang nasabing LPA.

Ngayong araw, ang trough ng Bagyong Nimfa ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.

Nakakaapekto naman ang southwest monsoon o Habagat at magiging madalas ang mga pag-ulan sa Central Luzon mga lalawigan ng Mindoro at Palawan.

Sa Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas ay makararanas din ng mga kalat-kalat na pag-ulan dahil sa Habagat.

Sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao, asahan ang magandang panahon na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes. Calayan, Babuyan, northen coast ng Ilocos Norte, Cagayan at Isabela.

Read more...