Hindi nagustuhan ng Malacanang ang laman ng isang documentary film na nagsasalarawan sa war on drugs ng pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na “overdramastized” ang docu-film na “On The President’s Order”.
Ang nasabing documentary ay ginawa ng mga filmmakers na sina James Jones at Olivier Sarbil.
Dito ay inilarawan nila ang sinapit ng ilang mga drug personalties sa “Oplan Tokhang” ng Duterte administration.
“The Palace is vexed by the continuous spread of disinformation against our country’s campaign against illegal drugs and criminality,” ayon sa inilabas na pahayag ni Panelo.
Sinabi ni Panelo na titulo pa lamang ng documentary film ay may malisya na dahil pinalalabas nila na utos ng pangulo ang pagpatay sa ilang mga sangkot sa illegal drugs.
Malinaw ayon sa kalihim na layunin ng nasabing palabas na ibintang sa gobyerno ang lahat ng mga napatay kahit ng mismong mga away ng ilang drug personalities.
Ipinaliwanag rin ni Panelo na malinaw naman ang utos ng pangulo na sugpuin ang mga sindikato ng droga dahil walang ginawa ang mga nakalipas na administrasyon para tapusin ang nasabing problema.
Sa record ng Philippine National Police (PNP), umaabot na sa 5,526 mga drug dealer, pusher at user ang napatay kaugnay sa war on drugs ng pamahalaan simula pa noong July 1, 2016 hanggang noong June 30.