Ayon sa Pagasa, ang Low Pressure Area (LPA) na kanilang nakikita sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay sa susunod na Linggo pa maaring pumasok ng bansa.
Huli itong namataan ng Pagasa sa 1,500 hanggang 2,000 kilometers sa bahagi ng Pacific Ocean.
Dahil dito, sinabi ni Pagasa Forecaster Gladys Saludes na wala nang bagyong papasok hanggang sa huling araw ng buwan ng Hunyo bukas.
Ang nasabing LPA na binabantayan ng Pagasa sa Pacific Ocean ay may tsansang maging isang bagyo.
Kung matutuloy ang pagpasok nito sa bansa sa susunod na Linggo at tuluyang mabuo bilang isang tropical depression, sinabi ni Saludes na ito ang magiging unang bagyo sa Pilipinas matapos pormal na maideklara ang rainy season.
Samantala, isa pang LPA na maari ding maging bagyo ang namataan naman ng Pagasa sa 500 kilometers Silangan ng bansa.
Sa ngayon ang Inter tropical convergence zone pa rin ang umiiral at nakapagpapa-ulan sa bahagi ng bansa tuwing hapon./ Dona Dominguez-Cargullo