Posibleng ituloy na ng North Korea sa susunod na mga linggo ang negosasyon sa Estados Unidos kaugnay ng denuclearization sa Korean Peninsula.
Pero ayon sa North Korean Foreign Ministry, ikokonsidera lamang nila ang pag-abandona sa kanilang nuclear weapons kung tatanggalin ng Washington ang lahat ng external threats laban sa Pyongyang.
“The discussion of denuclearization may be possible when threats and hurdles endangering our system security and obstructing our development are clearly removed beyond all doubt,” ayon sa pahayag ng Foreign Ministry na inilabas ng Korean Central News Agency.
Dagdag pa ng North Korea, ang susunod na negosasyon ng kanilang bansa sa US ay magiging ‘decisive’ sa kahihinatnan ng kanilang diplomasya sa Washington.
“Whether the DPRK-U.S. negotiations will be a window for chance or an occasion to precipitate crisis is entirely up to the U.S.,” dagdag ng NoKor.
Magugunitang nauwi sa deadlock ang negosasyon sa pagitan nina Kim Jong Un at Donald Trump matapos hindi pumayag ang US president na tanggalin ang economic sanctions kapalit ng pag-abandona sa nuclear program.
Una nang sinabi ni North Korean Vice Foreign Minister Choe Son Hui noong nakaraang linggo na handa ang kanilang bansa para sa isang komprehensibong pulong sa US officials sa katapusan ng Setyembre.