Nakumpiska ang 30 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P204 million sa isang lalaking suspek sa unit nito Sorrento Oasis Residences sa C. Raymundo Avenue sa Rosario, Pasig City alas 7:40 Lunes ng gabi.
Ayon kay National Capital Region Police (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar, naaresto ang suspek na si Manolito Lugo Carlos na may mga alyas na Lito at Tonge.
Si Carlos anya ay tauhan o pangunahing distributor ng isang drug lord na nakakulong sa Bilibid sa Muntinlupa.
Bilang kanang kamay ng drug lord sa New Bilibid Prison, si Carlos ang namamahala sa pagtatago at distribusyon ng shabu.
Nakasaad sa police report na ang suspek ang “main player” ng isang sindikato ng droga na nag-ooperate sa Metro Manila, Region 3 at CALABARZON.
Inamin umano ng suspek na nasa P200,000 ang kita nito sa bawat transaksyon ng iligal na droga.
Nabatid sa pinagsanib na operasyon ng NCRPO at Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) na ang condo unit ang ginawang bodega ng shabu na nire-repack sa mga Chinese tea packs.
Narekober sa lugar ang iba’t ibang drug paraphernalia, mga bank deposit slips kung saan nakalagay ang umanoy halaga ng pera bilang kabayaran sa droga.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ni Executive Judge Danilo Cruz ng Pasig City Regional Trial Court.