Mga convicts ng heinous crimes hindi na makikinabang sa GCTA

Tetch Torres-Tupas, INQUIRER.net

Hindi na pwedeng palayain ang mga convicts ng heinous crimes base sa binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Pinirmahan na nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año ang revised IRR ng GCTA araw ng Lunes.

Nakasaad sa nakumpleto at nalagdaang revised IRR ng GCTA ang nilinaw na probisyon ukol sa mga convicts na pwedeng makinabang sa naturang batas o iyong mga pwedeng mapalaya dahil sa good conduct.

Kasama sa binagong IRR na ang mga convicts na paulit-ulit na gumagawa ng krimen, mga tumatakas at nahatulan dahil sa karumal-dumal na krimen ay diskwalipikado na makinabang sa GCTA.

“…recidivists, habitual delinquents, escapists and those convicted of heinous crimes,” nakasaad sa bahagi ng revised IRR ng batas.

Ayon kay Guevarra, ginamit na depinisyon ng heinous crimes ang nasa ilalim ng Republic Act 7659 o Death Penalty Law gayundin ang Supreme Court jurisprudence.

Mayroong dagdag na 60 araw ang isang komite para sa re-computation ng time credits ng time allowances ng mga convicts.

Isasapubliko naman sa websites ng Department of Justice (DOJ), Department of Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Corrections (BuCor) ang mga inmates na mapapalaya alinsunod sa binagong IRR ng GCTA.

 

Read more...