Naalarma at nadismaya si Senate Minority Leader Frank Drilon sa nagpapatuloy na recycling ng mga nakukumpiskang droga.
Ayon kay Drilon sa pag-amin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. Gen. Aaron Aquino na ang recycling ay naisasagawa sa tulong ng mga tagapagpatupad ng batas, pinatutunayan lang nito na bigo ang war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ginawa ni Aquino ang pag-amin sa hearing ng kanilang budget para sa susunod na taon.
Ikinagulat din ni Drilon na sa ngayon nasa kustodiya pa ng PDEA ang P22 Bilyon halaga ng nakumpiskang shabu simula noon pang 2010.
Aniya kaya may tukso sa mga alagad ng batas na mangupit at magbenta ng nakukumpiskang droga.
Diin ni Drilon dapat ay agad na wasakin ang mga droga kapag natanggap na ang mga ito ng korte bilang ebidensiya sa paglilitis.
Dagdag pa ng senador ihihirit niya na madagdagan ang budget ng PDEA para mabuksan muli ang isinarang opisina ng ahensiya sa loob ng New Bilibid Prisons