Mayor Isko nagbanta sa mga mall na magbebenta ng secondhand na cellphones sa Maynila

Ipasasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga mall sa Maynila kapag hindi itinigil ang bentahan ng mga segundamanong cellphones.

Partikular na tinukoy ng alkalde ang Tutuban Mall, Isetann Mall at iba pang malls sa Maynila na aniya ay may mga stalls na nagbebenta ng mga secondhand na cellphone na galing sa nakaw.

72 oras ang ibinigay na palugit ng alkalde sa pamunuan ng mga Malls na dapat umaksyon na dahil kung hindi ay tutuluyan silang ipasara ng Manila LGU.

Ginawa ni Moreno ang babala kasunod ng pagkakaaresto sa ilang indibidwal na sinasabing sangkot sa buy-and-sell ng mga nakaw na cellphones sa lungsod ng Maynila.

Iprinisenta pa kanina sa media ang limang suspek na natimbog ng mga operatiba ng MPD-Special Mayor’s Reaction Team o SMaRT.

Umabot sa 148 iba’t ibang uri ng mobile phones ang nakumpiska ng MPD-SMaRT na sinasabing puro nakaw.

Dismayado si Moreno na mayroon ding mga naaresto na menor-de-edad na mga snatcher at holdaper, na pakalat-kalat sa kalsada at napabayaan ng mga magulang.

Ang mga ito ay nasa pangangalaga na ng Manila Department of Social Welfare.

Paalala naman ni Moreno, walang bibili ng mga nakaw ay walang magtatangka na magnakaw.

Samantala, nagpasabi na ang pamunuan ng Tutuban na susunod sila sa utos ni Moreno.

Nilinaw naman ng pamunuan ng Isetann na kung totoong meron man, ang ilang mga tenants ang maaring nagbebenta ng mga hinihinalang nakaw na cellphones at hindi ang mismong pamunuan ng mall.

Read more...