Tugon ito ng DOJ sa pahayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na nasa labas na ng Pilipinas ang nasa tatlong convicted drug lords at malabo nang magbalik sa bansa para lamang boluntaryong sumuko.
Ani Aquino, kung babalik man ang mga drug lord sa Pilipinas, ang mga ito ay tiyak na magpapatuloy sa kanilang illegal drug operations at gagamit ng pekeng pangalan upang makaiwas sa paghuli.
Ayon kay Justice Usec. Mark Perete, mula sa 1,914 persons deprived of liberty o PDLs na nahatulan sa heinous crimes ngunit maagang nakalaya dahil sa GCTA, halos lahat ng mga ito ay beripikado at wala pa ring nakakaalis ng bansa.
Pero upang makatiyak, sinabi ni Perete na makakatulong sa DOJ at sa Immigration Bureau kung ipapadala at kikilalanin ng PDEA ang mga naturang drug lords na nakalabas na ng bansa upang maisailalim sa beripikasyon.
Sa ganitong paraan, ani Perete, ay mahahabol din ng pamahalaan ang convicted drug lords at maibalik muli sa New Bilibid Prison.
Nitong weekend, sinabi ni Perete na nasa higit 500 na ang mga surrenderee, na nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections o Bucor.