Nilinaw ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na hindi maaaring arestuhin si Jose Maria Sison, ang founding chairman ng CPP-NDF-NPA.
Ipinaliwanag ni Atty Edre Olalia ng NUPL at isa sa mga dating consultant sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng CPP-NPA-NDF, na ang estado ni Joma ay isang refugee at nasa ilalim ng political asylum sa The Hague, Netherlands.
Wala rin aniyang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Netherlands kaya walang legal na proseso na maaaring gawin upang mapabalik ng Pilipinas si Joma kaya malabo siyang maaresto.
Maliban pa rito, kuwestiyonable rin aniya ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 na nag-aatas sa mga law enforcement agency na arestuhin ang grupo ni Joma.
Si Joma at kanyang mga kapwa akusado ay ipinagharap ng kasong multiple murder dahil sa natagpuang mass grave sa Inopacan, Leyte noong dekada 80 ngunit pinaliwanag ni Olalia na hindi maaaring makasama sa krimen si Joma dahil nasa solitary confinement noon si Sison na nakalaya lamang sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Tinukoy din ni Olalia na ang mga buto o skeleton na ebidensiyang ginamit laban sa grupo ni Joma ay travelling skeleton dahil ilang beses na aniyang ginamit ang mga iyon bilang ebidensiya sa mga kaso sa magkakaibang korte na ibinasura lamang ng mga hukuman.