Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, ang shallow LPA na nasa kanluran ng Zambales ay hindi inaasahang magiging ganap na bagyo.
Ang tropical storm naman na nasa layong 2,565 kilometro Silangan ng Hilagang Luzon ay hindi inaasahang papasok ng bansa.
Habang ang LPA naman na nasa 1,935 kilometro Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes ay ang dating Tropical Depression Marilyn at binabantayan pa rin dahil posibleng bumalik ito sa PAR sa loob ng 48 oras.
Ngayong araw, dahil sa epekto ng southwest monsoon o Habagat, ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa, bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan ang mararanasan sa may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglaot sa mga baybaying dagat ng Palawan at Occidental Mindoro.