Isang Indian national, timbog dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa Boracay

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa Boracay, Aklan.

Ayon kay BI Intelligence Division acting chief Fortunato Manahan Jr., nahuli ng mga tauhan ng ahensya ang dayuhan na si Vincent Joseph Mondal, 42-anyos, sa Boracay noong September 4.

Aniya, nahuli si Mondal na nagtatrabaho bilang chief cook sa Namaster Restaurant sa tabi ng pampublikong pamilihan sa kilalang tourist destination.

Ani Manahan, hindi nakapagprisinta ang dayuhan ng pasaporte o kahit anong dokumento nang lapitan ng mga tauhan ng BI.

Sinabi pa ni BI Intelligence Officer Jude Hinolan na subject si Mondal sa reklamong ilegal na pagpasok sa bansa sa pamamagitan ng backdoor channel.

Hindi aniya dumaan ang dayuhan sa inspeksyon ng mga otoridad ng BI nang huling dumating sa bansa.

Maliban dito, si Mondal ay dati nang napasailalim sa immigration blacklist anim na taon na ang nakakalipas dahil sa overstaying.

Dinala na ang dayuhan sa BI detention facility para sa deportation proceedings.

Read more...