Inamin ng Palasyo ng Malakanyang na hindi naman maaring isantabi ang pagpabor noong 2016 ng International Arbitral Tribunal sa Pilipinas kaugnay sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ay sa kabila nang hindi pagkilala ng China sa naturang desisyon na pabor sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ‘final, binding at unappealable’ ang desisyon.
Aniya, hindi maisasantabi ang desisyon kasabay ng negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa para sa joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Panelo, ang problema ng gobyerno ay kung paano ipapatupad ang desisyon dahil hindi nga ito kinikilala ng China.
At habang pinag-uusapan pa ito, ayon pa rin kay Panelo, may mga pag-uusap pa rin sa ibang bagay o isyu na kapwa magiging kapaki-pakinabang sa dalawang bansa tulad ng joint exploration.
Noong nakaraang Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang balewalain ang desisyon sa ngalan ng ‘economic activity’ sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.