Sibakan sa BuCor, magpapatuloy – Malakanyang

Inquirer file photo

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na may mga masisibak o masususpinde pa sa hanay ng opisyal at tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na magpapatuloy ang mga pag-iimbestiga sa mga anomalya sa kawanihan kayat asahan na may mga matatanggal pa sa posisyon.

Ito aniya ay bukod pa sa mga sinuspinde ng Office of the Ombudsman.

Bago ito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalin niya ang lahat ng mga taga-BuCor na sangkot sa anumang uri ng korapsyon, partikular na sa nabunyag na ‘Good Conduct Time Allowance for sale’ modus.

Kaugnay pa nito, sinabi rin ni Panelo na ang mga nabakanteng posisyon ng mga nasuspinde ay mapupunan naman ng mga opisyal at tauhan na kasunod nila sa posisyon.

Nang sibakin si Nicanor Faeldon bilang BuCor director general, ang itinalaga na pansamantala niyang kapalit ay si Deputy Director General Ramon Buenafe, retiradong police general at classmate ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Philippine Military Academy (PMA).

Read more...