DILG, hindi pa maidedeklara ang mga LGU na sumunod sa paglilinis ng mga kalsada

Kuha ni Jan Escosio (File Photo)

Hindi pa maidedeklara ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na sumunod sa kautusang paglilinis ng mga kalsada.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng DILG, na wala pa silang listahan ng mga LGU na tumalima sa pag-aalis ng lahat ng sagabal sa kani-kanilang kalsada sa loob ng 60 araw.

Aniya, isasagawa ang assessment sa mga LGU pagkatapos ng ipinataw ng deadline.

Ipinag-utos na aniya ni DILG Secretary Eduardo Año sa kanilang validation teams na suriin kung sumunod ang mga LGU sa kanilang kautusan ukol sa paglilinis sa mga kalsada.

Nagpaalala naman si Malaya sa lahat ng LGU na ipagpatuloy ang kanilang ikinasang clearing operations bago matapos ang deadline.

Matatapos ang 60 araw na deadline ng DILG sa September 29, 2019.

Read more...