Prusisyon ng mga replica ng Nazareno, sa Jan. 7 na

 

Inquirer file photo/AP

Gaganapin sa Huwebes, January 7 ang tradisyunal ring prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Dalawang araw itong mas maaga sa mismong ‘Traslacion’ na gaganapin sa Sabado, January 9 na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto na magmumula pa hindi lang sa mga lungsod ng Metro Manila, kundi sa iba’t ibang mga probinsya rin.

Marami-raming tao deboto rin ang inaasahang sasama maging sa prusisyon ng mga replica na magsisimula alas-2 ng hapon.

Babagtasin nito ang rutang magsisimula sa Plaza Miranda na tatagos sa Villalobos St., kakaliwa sa Quezon Blvd., kakanan sa Recto Ave., kakanan sa Loyola St., kakanan muli sa Bilibid Viejo sa patungong Puyat St., kakaliwa sa Guzman/Mendoza St., kakanan sa Hidalgo, kakaliwa sa Barbosa St., kakanan sa Globo de Oro St., kakanan sa Palanca St., kakanan ulit sa Villalobos St. patungong Plaza Miranda at magtatapos siyempre sa Quiapo Church.

Babasbasan ni Rev. Msgr. Hernando Coronal na rector at pari sa Quiapo Church ang mga replica na ipu-prusisyon.

Samantala, sa January 9 naman, 5:30 hanggang 6:00am ang magiging send off ng taunang prusisyon pagkatapos ng misa, na tatahakin ang parehong ruta katulad ng nakaraang taon.

Read more...