DPWH magsasagawa ng inspeksyon sa SEA Games venues

Tristan Tamayo, INQUIRER.net

Ipinag-utos ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar ang inspeksyon at pagmintena sa mga kalsada, at structural assessment naman sa mga venues na pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games.

Ang Pilipinas ang host ng biennial meet na aarangkada mula November 30 hanggang December 11 ngayong taon.

Ayon sa pahayag ng DPWH araw ng Huwebes, pinatitiyak ni Villar na ang kaligtasan ng mga manlalaro at manonood ang numero unong bigyang halaga upang maiwasan ang hindi kanais-nais na insidente.

Bukod sa inspeksyon at pagmintena sa mga istruktura, responsable rin ang DPWH na iulat ang kalagayan ng mga kalsada at tulay, paglalagay ng mga personnel at heavy equipment para sa clearing operations at magbigay ng masasakyan sa oras ng mass evacuation.

Sususpendihin limang araw bago at matapos ang SEA Games events ang mga construction works sa Bulacan, Clark, Subic, Tarlac, La Union, Cavite, Batangas, Laguna, at Metro Manila na pagdarausan ng sporting activities.

Samantala, makikipag-ugnayan din ang DPWH sa mga local government units (LGUs) sa pagsasagawa ng structural assessment sa mga billets at hotels na tutuluyan ng mga guest at lalahok sa palaro.

 

Read more...