Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte araw ng Huwebes sa pagsusuot niya ng floral polo sa pagpapasinaya sa Bataan Government Center and Business Hub sa Balanga City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na ang kanyang protocol officers ang nagpapasya sa kanyang mga isusuot para sa isang partikular na okasyon.
Inilalagay na umano ang kanyang isusuot sa kama at inakala niyang outdoor event ang dadaluhan sa Bataan.
“Before anything else, I’d like to apologize for my attire. I do not know why it’s protocol who says what I should wear for an event. Inilalagay na ho nila sa kama ko. And I thought it was just an outdoor (event),” ayon sa pangulo.
Karamihan sa mga dumalo sa event ay nakapormal kung saan ang mga lalaki ay naka-Barong Tagalog at naka-smart casual naman ang mga babae.
Ang government center at business hub sa Bataan na tinatawag na “The Bunker” ay binuo bilang isang one-stop shop at kinalalagyan ng mga national at local government agencies, government financial institutions at private partners.
Pinuri ng presidente ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan sa maayos nitong pamumuno.
Hinikayat ni Duterte ang mga mamamayan ng Bataan na manatiling aktibo sa pakikilahok sa pagtaguyod sa bansa.