Inaasahang nasa isang milyong deboto at pilgrims ang lalahok sa kapistahan ng patrona ng Bicol Region, ang Nuestra Señora de Peñafrancia, mas kilala sa tawag na “Ina”.
Ayon kay Joint Operations Center Renne Gumba, nasa 500,000 deboto ang inaasahang lalahok sa traslacion o fluvial procession ngayong Biyernes, September 13, hudyat ng pagsisimula ng isang linggong kapistahan.
Dodoble anya ang bilang o aabot ng isang milyon sa kabuuan ng pagdiriwang.
Sa traslacion, ang imahen ni ‘Ina’ ay ililipat mula sa Peñafrancia Shrine patungong Naga Metropolitan Cathedral.
Nasa 2,000 pulis at sundalo ang ipakakalat ngayong araw para tiyakin ang seguridad ng traslacion.
Una nang nagpatupad ng gun ban simula noong Miyerkules September 11 na tatagal ng 11 araw.
Nagpatupad din ng liquor ban ang pulisya.
Samantala, dahil sa nararanasang pag-ulan bunsod ng Habagat at Bagyong Marilyn, pinayuhan ni Naga City Events, Protocol, and Public Information Office chief Allen Reondaga ang mga deboto na magdala ng kapote.
Hindi na rin pinasasama sa prusisyon ang mga may sugat para maiwasan ang mga kaso ng leptospirosis.