Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,175 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Casiguran, Aurora o 1,165 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Nananatiling malawak ang sirkulasyon ng bagyo kaya’t kahit nasa karagatan ay umaabot ang kaulapan nito sa Luzon area.
Hindi naman inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyo ngunit inaasahang lalakas pa ito at aabot sa tropical storm category bago lumabas ng bansa.
Ang kaulapan ng bagyo at ang hinihilang Habagat ay nagdudulot na ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Aurora, Palawan, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan naman ang maaaring maranasan sa Metro Manila, Bangsamoro, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Pinag-iingat ang mga residente sa mabababang lugar sa mga posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nakataas ngayon ang gale warning at mapanganib ang paglalayag sa central at eastern seaboards ng Visayas at seaboards ng Mindanao.