Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kailangang ilipat ang istatwa matapos itong masira sa gitna ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“The Aquino family has given its consent to transfer the statue to a better and more ideal location that is perfect for his stature as national hero,” pahayag ng alkalde.
Ang pundasyon ng monumento ay nasira ng mga manggagawa ng DPWH na nagsagawa ng road-clearing operations sa kanto ng Timog at Quezon Avenues kung saan ito nakalagay.
Pero magkaiba ng lugar na gustong paglipatan ang mga anak ni Aquino na si dating Pangulong Noynoy Aquino at actress-host na si Kris.
Ayon kay Belmonte, nais ni dating Pangulong Noynoy na ilipat ang monumento ng ama sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.
Pero gusto naman anya ni Kris na sa Manila Seedling Bank ang bagong lokasyon ng istatwa.
Sumulat na si Belmonte kay Environment Sec. Roy Cimatu para payagan na ilipat ang istatwa sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.
Pero kapag hindi anya pumayag si Cimatu ay sa gustong lugar ni Kris ililipat ang monumento.
Araw ng Biyernes ay tatanggalin ng Department of Public Order and Safety ng lungsod ang istatwa para itago sa pansamantalang storage facility saka ito ililipat kapag nadesisyunan na ang bago nitong lugar.