Sa panayam ng Radyo Inquirer kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, ikinatwiran nito na hindi naman kasalanan ng MMDA na may namatay na pasyente habang dinadala ito ng ambulansya sa ospital.
Ayon kay Pialago, maraming mga motorista na matitigas ang ulo na ayaw pagbigyan na dumaan ang isang ambulansya kahit alam na emergency ang sitwasyon.
Sinabi naman ni Pialago na sa kanilang CCTV monitoring, may mga ambulansya na talagang hindi nakakadaan dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.
Pero rumeresponde anya ang mga MMDA traffic personnel para alalayan ang ambulansya hanggang makalusot ito mula sa pagkaipit sa trapik.
Dagdag ng opisya,l walang special lane ang ambulansya dahil kahit saan ay pwede itong dumaan.
Hamon naman ni Pialago, bigyan ang MMDA ng isang pag-aaral na magpapatunay na marami ang namamatay na pasyente na sakay ng ambulansya sanhi ng trapik.
Hindi anya basehan ang mga pahayag lamang ng ilang driver o namamahala ng mga ambulansya at dapat na may kongkretong pag-aaral o katibayan.