Handa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-escort ng mga ambulansya sa gitna ng masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng ahensya na maaring humingi ng tulong ang mga ambulansya sa kanilang traffic enforcers na nakasakay sa motorsiklo para sa mas mabilis na magsugod sa ospital ng mga pasyente.
Maliban dito, maaari ring magmando ang mga traffic enforcer sa mga masisikip na kalsada para ayusin ang trapiko at bigyang-prayoridad ang pagdaan ng mga ambulansya.
Inilabas ng MMDA ang pahayag matapos mapaulat na ilang pasyente na ang nasawi dahil sa trapiko sa Metro Manila.
Kasabay nito, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-uutos niya sa MMDA at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na mag-escort ng mga ambulansya.