Nagbitiw na si Yeng Guiao bilang head coach ng Gilas Pilipinas.
Inanunsiyo ito ni Guiao isang araw matapos makabalik ang koponan mula sa China para sa 2019 FIBA World Cup.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Guiao na bumaba na siya sa pwesto ngayong araw ng Miyerkules.
Layon aniya nito na makapili ang SBP ng mas matatag na programa para maabot ang hangarin na makalaban ang mga magagaling na manlalaro sa buong mundo.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Guiao dahil hindi aniya nai-deliver ang mas magandang performance ng koponan sa FIBA.
Ibinigay aniya ng mga manlalaro ang lahat ng makakaya para harapin ang magagaling na atleta ng ibang bansa.
Sinabi pa ni Guiao na nakita niya ang effort at mga sakripisyo ng mga manlalaro maging ng kani-kanilang pamilya.
Matatandaang nakapagtala ng 0-5 win-loss record ang Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup.