150 convicts na napalaya dahil sa GCTA nasa kustodiya na ng BuCor

Umabot na sa 150 convicts ng heinous crimes na napalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) law ang sumuko na batay sa tala hanggang araw ng Martes.

Ayon kay Senior Inspector Eusebio del Rosario ng Bureau Corrections (BuCor) Public Information Office, nasa kustodiya na nila ang naturang mga convicts.

Wala pa sa tala ng BuCor ang mga convicts na sumuko naman sa Philippine National Police (PNP).

Iginiit ng BuCor ang apela sa mga napalayang convicts ng karumal-dumal na mga kaso at napalaya dahil sa GCTA na sumuko na alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng 15 araw na deadline.

“Sa ating mga persons deprived of liberty na ang mga krimeng nagawa ay kabilang sa mga itinuturing na heinous crimes, kasama rin ang mga escapees, habitual delinquents at recidivists na pinalaya sa bisa ng implementasyon ng Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance ay ating hinihikayat muli na magbalik kustodiya ng Bureau of Corrections,” pahayag ng ahensya.

Una rito ay inihayag ng PNP na umabot na sa 130 convicts ang sumuko na sa kanila.

Sa bilang ay 25 convicts pa lamang ang nai-turn over sa BuCor dahil inaayos pa ang travel arrangements para maibalik ang iba pang convicts sa New Bilibid Prison (NBP).

Para sa mga susukong convicts, sinabi ng BuCor na maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya para sa processing ng pagbabalik sa Bilibid sa Muntinlupa.

Mayroon ding assistance desks ang BuCor para sa pag-proseso ng pagbabalik ng mga inmates sa sumusunod na lugar: National Headquarters sa NBP Reservation sa Muntinlupa City, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City, Davao Prison and Penal Farm sa Panabo City, Davao del Norte, Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan, Leyte Regional Prison sa Abuyog, Southern Leyte, Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro at San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City.

 

Read more...