Isang preso mismo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang bagong testigo sa ibinunyag na Good Conduct Time Allowance o GCTA for sale.
Nasa kalagitnaan ng joint hearing ng Justice at Blue Ribbon Committees nang palabasin ni Sen. Richard Gordon si Godfrey Gamboa.
Si Gamboa ay live in partner ni Yolanda Camilon, ang unang nagpatotoo sa bayad para sa maagang paglaya ng mga preso.
Inilahad ni Gamboa ang umanoy pagbigay nila ng pera sa ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) para sa kanyang paglaya.
Ayon kay Gamboa, napuno na siya dahil tila naglaho na ang ibinayad nilang P50,000 kina Corrections Sr. Insp. Mabel Bansil at Corrections Sergeant Ramoncito Roque dahil ilang beses na napako ang mga pangako na kanyang maagang paglaya.
Kanya-kanya naman palusot sina Bansil at Roque maging si Corrections Officer 3 Veronica Buño sa mga ibinibintang sa kanilang bahagi ng sindikato sa Bilibid na nag-aalok ng GCTA for sale.
Sa isang bahagi ng hearing, ipinarinig pa ni Camilon ang negosasyon nila ni Buño sa cellphone.
Pero todo-tanggi si Buno kahit pinagbabantaan na siya ng mga senador sa kanyang pagsisinungaling.
Labis na nadismaya ang mga senador nang madiskubre nila na burado na ang text messages, call logs at nagbago na rin ng kanyang SIM sa cellphone si Buno.
Gayundin sa bahagi ni Bansil, burado na ang lahat ng mga impormasyon sa kanyang cellphone na maaaring magamit na ebidensiya.
Itinanggi din nito na may sinabi siya ukol sa mga banta sa napatay na si Corrections Administrative Officer Ruperto Taraya Jr.
Samantala, sinabi ni Gordon na malinaw na sabit sina Roque, Bansil, Buno at maging si Atty. Fredric Santos, ang legal chief ng Bucor sa GCTA for sale.
Lumitaw naman anya na hindi alam ni dating Bucor Dir. Gen. Nicanor Faeldon ang kanyang trabaho.
Sa Huwebes muling itutuloy ang pagdinig at sinabi ni Gordon na maaaring magsumite na siya ng partial committee report.