Canada nagbukas ng 2,000 para sa mga Pinoy – DOLE

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagbukas ng 2,000 trabaho sa mga Filipino ang gobyernong Canada para sa lalawigan ng Yukon.

Ayon kay Bello, lumagda siya ng isang joint communique kasama ang mga opisyal ng Yukon para sa deployment ng 2,000 skilled worker na mayroon pang oportunidad na maisama ng mga manggagawa ang kanilang mga pamilya.

Ang kalihim ay dumalaw sa Canada kamakailan at duon ay nakausap niya ang mga manggagawang Filipino na aniya ay mauunlad, masaya, respetado, hindi nakararanas ng diskriminasyon at pinangangalagaan ng Canadian government.

Ilan sa mga rekisito para sa mga interesadong aplikante ay dapat na fluent sa English, naaayon ang job degree, at pagsasanay, at physically at mentally fit.

Aabot din ang suweldo mula P80,000 hanggang P300,000 at karamihan sa mga bakanteng posisyon na bubuksan sa mga Filipinong skilled worker ay heavy equipment operator, nurse, cook, chef, engineer, caregiver, call center agent at iba pang lokal na oportunidad sa trabaho.

Inatasan na ng kalihim si Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang pabilisin ang deployment ng mga manggagawa sa Yukon, maging ang pagpruproseso ng mga Overseas Employment Certificate (OEC) para sa mga magtatrabaho sa Vancouver at Toronto.

Read more...