Love triangle ang isa lamang sa tinitignang motibo ng pulisya kaugnay sa pagpatay sa isang bank teller sa lalawigan ng Pampanga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Police Chief Inspector Ferdinand Aguilar, hepe ng Pampanga Criminal Investigation Team (CIDT), ito ang kanilang nakikitang motibo dahil sa may bago nang kasintahan ang dating asawa ng biktimang si Tania Camille Dee.
Ayon kay Aguilar, nakita pa sa CCTV footage ng isang Japanese Restaurant sa Pampanga na magkasama sina Dee, dati nitong asawa na si Fidel Arcenas at ang girlfriend ni Arcenas na si Angela Dychioco.
May isang tama ng bala ng baril sa likod ng ulo si Dee nang siya ay matagpuan sa mababaw na hukay kung saan siya ibinaon.
Sinabi ni Aguilar na anim na taon nang hiwalay sina Dee at Arcenas. Sinasaktan kasi umano ni Arcenas si Dee kaya si Arcenas ay nahaharap sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Children.
Wala pang impormasyon sa ngayon ang pulisya sa kinaroroonan ni Arcenas, pero ayon kay Fernandez, nakatakdang magsumite ng salaysay sa pulisya ang girlfriend nitong si Angela.
Nakuhanan na rin ng sinumpaang salaysay ang ina ni Angela na si Regina Dychioco. Si Regina Dychioco ang lumapit sa mga pulis at sinabing mismong ang anak niyang si Angela ang nagsabi na maaring patay na si Dee at doon ito ibinaon sa likuran ng kaniyang inuupahang bahay. Nakasaad din sa salaysay ni Ginang Regina na napansin niyang “unusual” o kakaiba ang kinikilos ng kaniyang anak.
Hiniram kasi ni Arcenas at ni Angela ang susi ng nasabing bahay ni Dychioco.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga kaanak ni Arcenas na kumbinsihin na itong sumuko at magbigay ng testimonya./ Erwin Aguilon