Mga opisyal ng tatlong lending firms nahaharap sa kaso dahil sa pamamahiya sa borrowers – NPC

Maaring masampahan ng kaso ng National Privacy Commission (NPC) ang mga opisyal ng tatlong lending firms dahil sa paglabag sa Data Privacy Act of 2012.

Ito ay bunsod ng ginagawa nilang pamamahiya sa mga nangutang na hindi makabayad.

Sa press conference sinabi ni Privacy Commissioner Raymund Liboro, sinabi nitong natapos na ang isinagawang imbestigasyon ng kanilang task force.

Sa nasabing imbestigasyon, lumitaw na ang Fast Cash Global Lending Inc., Unipeso Lending Company Inc., at Fynamics Lending Inc., ay lumabag sa naturang batas.

Ikinasa ang imbestigasyon matapos makatanggap ang NPC ng maraming reklamo laban sa tatlong kumpanya.

Kabilang sa mga reklamo ay ang paggamit ng contact details ng walang permiso ng borrowers, paglalabas ng unwarranted o maling impormasyon, paggamit sa personal na impormasyon ng borrowers para ito ay i-harass o takutin, at panghihimasok sa personal data.

Ayon sa NPC, tinatarget ng tatlong kumpanya ang privacy ng mga borrowers nila at tinatakot ang mga ito hanggang sa dumating sa puntong mawalan na ito ng dignidad.

Binigyan ng NPC ng 10 araw ang mga kumpanya at kanilang mga direktor para sumagot.

Kapag nabigong tumugon ay dedesisyunan na ang usapin base sa mga ebidensyang hawak ng komisyon.

Ang kasong paglabag sa Data Privacy Act of 2012 ay may karampatang parusa na pitong taong pagkakabilanggo at multang P5 milyon.

Read more...