Sa Taguig, timbog ang apat na drug suspects kabilang ang isang retiradong sundalo.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa iligal na gawain ng isang alyas Pedro na batay sa nakumpiskang ID ay nakilalang dating miyembro ng Philippine Army.
Naaktuhan sa drug session ang retiradong sundalo, asawa nito at dalawang lalaki na umuupa sa kanilang bahay.
Umamin ang apat na gumagamit ng droga pero tumangging sila ay nagtutulak ng droga.
Nakuha sa mga ito ang 6 na sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
Sa Caloocan, naaresto ang dalawang suspek sa operasyon sa Bagong Barrio.
Nagpanggap na buyer ang pulisya at nakuha sa mga suspek ang 2 sachet ng shabu.
Nabatid na isa sa mga suspek ay isang big time pusher habang ang isa pa ay nakulong na sa kasong illegal possession of firearms.
Sa Quezon City naman, nasa P408,000 na halaga ng shabu ang nakuha sa dalawang lalaki sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa West Avenue.
Nakumpiska sa mga suspek ang 60 gramo ng shabu.
Ayon sa pulisya, ang dalawa ay nagbabagsak ng droga hindi lamang sa Quezon City kundi pati sa Monumento.